Umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ina ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa death row sa UAE o United Arab Emirates.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita” kay Ginang Alicia Dalquez, sinabi nito na umaasa siya na matutulungan sila ni Pangulong Duterte na sagipin ang kanyang anak na si Jennifer dahil sa pagpatay sa Arabong amo noong Disyembre 7, 2014 makaraang ipagtanggol ang sarili nang tangkain itong gahasain.
“Sa ating mahal na Pangulong Duterte ako po’y nanawagan para sa anak ko pong si Jennifer Dalquez na nasa Dubai, humihingi po ako ng tulong sa inyo, tulungan niyo po ang aking anak na nakapatay ng Arabo dahil sa ginawa niyang self-defense, wala po talaga siyang kasalanan, kung hindi lang siya inunahan ng Arabo o hindi siya binastos at gagahasain hindi naman siguro siya papatay ng tao nang ganun na lang, kilala ko po ang anak ko, mabait yun, hindi yun kriminal.” Ani Dalquez
Ayon kay Ginang Dalquez, dalawang taon at dalawang buwan na sa bilangguan ang kanyang anak at wala pa ring inilalabas na resulta ang mataas na korte ng UAE sa kanilang apela.
December 2012, nang umalis sa bansa si Jennifer patungong UAE at nagtrabaho bilang domestic helper.
“Kahapon sana babasahin nila ang sintensya pero na-postponed na naman hindi ko alam kung anong dahilan, ngayong March 27 naman daw.” Pahayag ni Dalquez
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview)
LISTEN or DOWNLOAD: Jennifer Dalquez Audio Appeal
Source: Migrante International