Ibinalik na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anti-illegal drugs campaign.
Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na maliit ang bilang ng mga anti-drug operatives kaya’t kailangan na ng saklolo ng mga pulis upang sugpuin ang iligal na droga.
Gayunman, nilinaw ng Punong Ehekutibo na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mangunguna sa operasyon katuwang ang PNP at Armed Forces of the Philippines.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
Samantala, may go-signal na ni Pangulong Duterte ang pagsasagawa ng citizen’s arrest.
Ayon sa Pangulo, kung nasa gitna ng isang crime scene ang sibilyan, maaari nitong ipagtanggol ang sinumang biktima o arestuhin ang suspek.
Kung mayroon namang lisensyadong baril ay maaari itong gamitin ng sibilyan lalo’t kung nasa peligro ang buhay nito.
Wala anyang masama kung gagamitin ang citizen’s arrest sa tama at kung mapatutunayan naman ng mamamayan na nasa peligro ang kanyang buhay.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
Babala ng Pangulo laban sa ‘iskalawags’
Nagbabala ang Pangulong Rodrigo Duterte na isa isang papatayin ang mga pulis iskalawag.
Ayon sa Pangulo, inatasan niya si PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na bumuo ng isang squad na magbabantay sa mga pulis na napatalsik sa puwesto at mga tinaguriang ninja cops na nag-re recycle ng droga.
Iginiit ng Pangulo na ang naturang mga pulis ang pinakamapanganib na kriminal sa bansa.
Huwag aniyang subukan ng nasabing mga pulis na sirain at lokohin ang gobyerno dahil mamarkahan niya ang mga ito at hindi paliligtasin sa batas.
Anti-drug group
Nakatakdang bumuo ang Philippine National Police ng bagong grupo na hahawak sa muling binuhay na anti-illegal drug operation ng gobyerno.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, sasalaing mabuti ang mga pulis na kanilang ilalagay sa bagong team na tututok sa kampanya kontra droga.
Una nang inamin ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency na hindi nila kaya ang anti-illegal drug campaign dahil kulang sila sa tao.
Matatandaang binuwag ng PNP ang AIDG o Anti-Illegal Drugs Group matapos na tanggalin ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kamay ng pulisya ang Oplan Tokhang.
By Drew Nacino | Rianne Briones