Pormal nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Paris Climate Change Agreement na naglalayong isulong ang pagpapaunlad ng renewable energy at bawasan ang greenhouse gas emissions.
Ayon kay Climate Change Commissioner Manny de Guzman, nagbunga ang pagsisikap ng Philippine delegation makaraang mag-atras abante si Pangulong Duterte hinggil dito.
Gayunman, namayani pa rin ang commitment ni Pangulong Duterte sa kanyang unang SONA o State of the Nation Address na climate justice para sa mga mahihirap na Pilipino.
Bilang isa ang climate change sa mga prayoridad ng administrasyon, tiniyak ni De Guzman na kaisa ng publiko ang komisyon sa pagsusulong ng isang malusog at ligtas na kinabukasan para sa bansa.
Senate
Pagtitibayin na ng Senado ngayong araw ang Paris Agreement on Climate Change makaraang lagdaan na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaasahan ngayong hapon, ihahatid ni Senior Deputy Executive Meynard Guevarra ng Office of the President ang nilagdaang kasunduan sa tanggapan ni Senate Committee on Climate Change Chair Senadora Loren Legarda.
Sinasabing posibleng lumikha ng isang sub-committee ang Senate Committee on Foreign Relations na pamumunuan ni Legarda na siyang tututok sa mga usaping may kinalaman sa mga hakbang ng Pilipinas hinggil sa Climate Change.
Ang Paris Climate change Agreement ay ang kasunduang mag-oobliga sa mga malalaking bansa na bawasan ang greenhouse emissions at mag-aatas sa bawat bansa na isulong ang renewable energy.
By Jaymark Dagala | Reports from Aileen Taliping (Patrol 23) and Cely Bueno (Patrol 19)