Inatasan ng korte ang DBM o Department of Budget and Management na bayaran nito ang mga retiradong opisyal ng PAO o Public Attorney’s Office.
Ito’y makaraang katigan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 230 ang inihaing petition for certiorary ng mga PAO retirees na nagpapawalang bisa sa inilabas na direktiba ng noo’y dbm Secretary Florencio Butch Abad.
Kasunod nito, pinagbigyan din ng korte ang petition for mandamus ng mga PAO retirees kung saan, pinamamadali rin sa dbm ang pagbabayad ng mga benepisyo sa mga retirado.
Magugunitang aabot sa apatnapung mga PAO lawyers ang pinagkaitan ng kanilang retirement benefits mula pa noong 2010 na nagkakahalaga ng P139-M.
Kaso laban kay dating DBM Sec. Butch Abad ikinakasa na ng PAO
Ikinakasa na ngayon ng mga retiradong abogado ng PAO o Public Attorney’s Office ang kasong kanilang isasampa laban kay dating Budget Secretary Florencio Butch Abad.
Ito’y makaraang katigan ng korte ang hiling ng mga PAO retirees na ibasura ang inilabas na direktiba noon ni Abad na humaharang sa benepisyo ng mga nabanggit na nagkakahalaga ng halos P140-M.
Ayon kay PAO Chief Atty. Percida Rueda – Acosta, maituturing aniya ito bilang tagumpay ng mga PAO lawyers na walang ibang aasahan kundi ang kanilang retirement benefits.
Malinaw aniya ang isinasaad ng batas na saklaw ng mga benepisyo sa ilalim ng civil service law ang mga PAO lawyers na piniling maglingkod para sa mga mahihirap na hindi kayang kumuha ng serbisyong legal.
By Jaymark Dagala | With Report from Jill Resontoc