Inako ni PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency Region 7 Director Yogi Filemon Ruiz ang responsibilidad sa pagpapahubad sa mga inmate ng CPDRC o Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center sa isang operasyon.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, ipinaliwanag ni Ruiz na may nakarating sa kanyang impormasyon na sangkaterba ang bladed weapons at mga kontrabando na nasa pangangalaga ng mga bilanggo kaya naglunsad sila ng greyhound operations.
“I take full responsibility po, bakit I decided na pahubarin lahat ng lalaking preso was because of the information that there were numerous bladed weapons sa loob ng jail, it would also be dangerous po sa side natin ng raiding team at sa mga preso if ever may nasugatan it can result to a much bigger problem, riot o kaya stampede.” Ani Ruiz
Iginiit ni Ruiz na hindi lang ito ang unang beses na pinaghubad niya ang mga lalaking preso sa nasabing operasyon.
Nangyari aniya ito noong Agosto 2016, kung saan samu’t saring kontrabando ang kanilang nakumpiska kabilang ang P4.6 milyong cash.
“When we conducted the raid last August in a different jail, doon din po sa Cebu City Jail, yan din po ang system na ginawa natin,completely surprised ang mga preso, hindi sila nakapagtago ng mga kontrabando nila, we were able to confiscate around 4.6 million pesos in cash, cellphones, bladed weapons, just the same operation as this.” Dagdag ni Ruiz
Ipinagdiinan ni Ruiz na makikita sa lumabas na litrato na mapayapa naman ang operasyon at naka-formation pa ang mga preso.
“I saw the pictures, very peaceful, naka-formation pa nga sila, I don’t know why it is being sensationalized, paano kung may isa doon sa mga tauhan ko ang nasugatan sino naman ang sasagot sa pamilya nila, just for the safety ng raiders at prisoners.” Pahayag ni Ruiz
Una rito ay nag-viral sa internet ang kuha ng mga bilanggong nakahubo’t hubad habang naka-upo sa open court ng CPDRC o Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center kasunod ng isinagawang Operation Greyhound ng PDEA.
Umani ito ng batikos mula sa mga netizens dahil sa umano’y paglabag sa karapatang pantao.
Nakuha sa naturang raid ang labing siyam (19) na sachet ng shabu, walumpung (80) cellphone, isang laptop, dalawang DVD recorders, animnapung (60) matutulis na bagay at siyamnapu’t isang libong (91,000) pisong cash.
Kaugnay nito, iimbestigahan na ng CHR o Commission on Human Rights sa insidente ng pagpapahubad sa mga bilanggo.
Pumalag din ang Amnesty International sa pangyayari kung saan tinawag nilang itong hindi makatao at mababang uri ng pagtrato sa mga bilanggo.
Samantala, bukas ang PDEA Region 7 sa isasagawang imbestigasyon ng CHR o Commission on Human Rights matapos mag-viral ang larawan ng mga nakahubong inmates ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center.
Pero, sinabi sa DWIZ ni PDEA Region 7 Director Yogi Filemon Ruiz na dapat silipin din ng CHR ang kanilang karapatan dahil ginawa nila aniya ito para sa kaligtasan ng raiding team at mga bilanggo.
Una nang inihayag ni CHR Spokesman Atty. Jackie de Guia na ang naturang hakbang ng PDEA Region 7 ay paglabag sa Republic Act Number 9745 o Anti-Torture Law.
“Ang sa akin lang if they are looking at the rights din ng mga preso siguro tignan din nila ang rights namin, we are also human beings, we need to go home also to our families, ang sa atin lang huwag lang side ng preso ang tignan nila, side din namin, we also have to protect ourselves and part of it is tingnan natin kung saan nila itinatago ang mga kontrabando nila.” Pahayag ni Ruiz
Jail warden sibak
Sinibak na ang jail warden ng CPDRC o Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center na si Dr. Gil Macato.
Kasunod ito ng isinagawang anti-narcotics raid ng PDEA Region 7 sa nasabing piitan kung saan pinaghubad pa ang mga bilanggo.
Si Macato ay papalitan ni Boddy Legazpi bilang Officer-in-Charge ng CPDRC.
Una nang kinondena ng Amnesty International at Commission on Human Rights ang insidente dahil paglabag umano ito sa karapatang pantao.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview) | Rianne Briones
Photo: CEBU PROVINCIAL POLICE OFFICE / AFP