Aalamin ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit inalis ng mga Kongresista ang kasong rape na matinding paglabag sa dignidad ng isang babae at plunder na ugat ng katiwalian sa mga dapat maparusahan sa isinusulong na death penalty bill.
Sinabi ng Pangulo na nawala ang respeto at takot ng mga tao sa batas kaya’t kaliwa’t kanang mga mabigat na krimen ang nangyayari sa bansa.
Dagdag pa ng Pangulo, anuman ang rason ng mga mambabatas ay igagalang niya ito, subalit nais niya munang malaman kung bakit nawala ang rape at plunder na maituturing na mga karumal- dumal na krimen.
Mistula ring sinisi ng Pangulo ang mga nakalipas na administrasyon dahil sa kabila ng pagkakaroon ng death penalty ay hindi naman ito ipinatupad.
Iginiit pa ng Presidente na kapag nakalusot ang death penalty sa kanyang administrasyon ay gagawin niyang kurtina ang mga bibitayin sa Fort Bonifacio.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping