Nalungkot ang Malacanang subalit tila nabunutan ng tinik dahil nakita na ang labi ng German National na si Jurgen Kantner na pinugutan ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Ang labi ni Kantner ay nadiskubre ng mga operatiba ng Marine Batallion Landing Team /Task Force Sulu sa sitio Talibang, Brgy. Buanza, Indanan Sulu.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, tinitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang sasantuhin ang gobyerno sa paglutas sa mga buktot na gawain ng mga bandido at mga extremists.
Muling ipinaabot ng Palasyo ang pakikiramay sa pamilya ng biktima at sa mamamayan ng Germany sa sinapit nito sa kamay ng mga Abu Sayyaf.
Sinabi ni Abella na aasahang mapaparusahan ang mga gumawa ng karumal dumal na krimen.
Kaugnay dito, nakatakdang dalhin sa Metro Manila ngayong araw na ito ang labi ng German National na pinugutan ng ulo ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu.
Sinabi ni Col. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu na sa sandaling matapos ang post mortem examination sa labi ni Jurgen Kantner sa Camp Teodulfo Bautista sa Jolo, Sulu.
Sinabi ni Sobejana na tinatapos na lamang ang dokumentasyon at saka ito ililipad sa Manila para i-turn over sa German Embassy.
Kasabay nito sinabi ng opisyal na tuloy tuloy ang pursuit operations laban sa mga bandidong Abu Sayyaf.
By: Aileen Taliping