Kinumpirma ni Quezon City Police District Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na nakabalik na sa Metro Manila galing Boracay ang salarin sa pagpatay sa isang motorcycle rider.
Gayunpaman, sinabi ni Eleazar na hindi pa nila maaresto si Fredison Ong Atienza dahil hindi pa inilalabas ng korte ang arrest warrant laban sa kanya.
Ipinaliwanag ni Eleazar na uubra sanang hindi na kailanganin ang arrest warrant noong una dahil sa agarang pagtugis kay Atienza mula nang barilin at mapatay niya si Anthony Mendoza noong February 25.
Ngunit dahil, aniya, isang linggo na ang nakalipas, nagsampa na ng kaso ng pagpatay ang Quezon City Police District sa City Prosecutor’s Office.
Hinihintay pa ng piskalaya ang panig ng salarin upang mapag-aralan ang probable cause o sapat na dahilan bago makapaglabas ng warrant of arrest.
Kaugnay nito, ihinatid na sa huling hantungan si Anthony Mendoza, ang biktima sa road rage incident na nangyari sa Quezon City noong Pebrero 25.
Inilibing si Mendoza sa Loyola Memorial Park sa Antipolo kaninang alas 9:00 ng umaga.
Sa kanyang libing, nanawagan ang kanyang ina na si Ginang Esther sa suspek na si Fredrison Atienza na sumuko na sa mga otoridad.
Sinabi ni Ginang Esther na masakit sa kanya bilang magulang ang ginawa ni Atienza at umaasa sila na mabibigyan ng hustisya ang kanyang anak.
By: Avee Devierte / Katrina Valle