Umangkada na ang iba’t ibang aktibidad kaugnay sa pagdiriwang ng International Women’s Day 2017 ngayong araw na ito.
Ibinatay sa pandaigdigang tema na “Be Bold for Change” ang pagdiriwang ng buwan ng kababaihan.
Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga grupo ng mga kababaihan bilang panawagan na magkaroon ng equality lalo na sa pagbibigay ng tamang pasahod.
Nilagyan naman ng rosas ang mga tangkeng pang-giyera sa bansang Syria.
Sa Pilipinas, bahagi ng selebrasyon ang pagbibigay ng libreng gupit at beauty make over sa mga kababaihan bukod pa sa libreng sakay sa LRT 2 at MRT.
Ang Women’s Day ay nagsimula noong 1908 kung saan mahigit labing limang libong (15,000) kababaihan ang nag-protesta sa New York City na nanawagan ng karapatang bumoto, tamang pabayad at ang pagpapaikli ng oras ng kanilang trabaho.
Taong 1913 nang pormal na kilalanin ang araw na ito o ang March 8 bilang International Women’s Day.
Free ride
May tiyansa pa ang mga kababaihang makapag-avail ng libreng sakay sa LRT at MRT mamayang hapon.
Kasunod na rin ito nang pagdiriwang ngayong araw na ito ng National Women’s Month na umiikot sa temang “Serbisyo Para kay Juana”.
Ayon sa pamunuan ng MRT at LRT 2, makakasakay ng libre ang mga kababaihan mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi at kaninang alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga.
By Judith Larino