Nanumpa na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong talagang Supreme Court Associate Justice na si Sandiganbayan Associate Justice Samuel Martires sa isang simpleng oath-taking ceremony sa music room ng Malakanyang, kahapon.
Si Martires ang pumalit kay Associate Justice Jose Perez na nagretiro noong December 14.
Magugunita noong 2011 nang ibasura ni Martires ang kaso laban sa noo’y alkalde ng Davao City na si Duterte hinggil sa demolisyon ng isang park na itinayo ng kanyang kalaban sa pulitika noong 2008.
Ang bagong talagang mahistrado rin ang ponente ng resolusyon na nag-apruba sa plea bargain deal ni retired AFP Comptroller, Maj. Gen. Carlos garcia.
Samantala, itinalaga rin ni Pangulong Duterte ang kanyang kaklase sa San Beda College of Law na si Court of Appeals Associate Justice Noel Tijam bilang bagong mahistrado ng SC kapalit ni Arturo Brion na nagretiro naman noong December 29.
Si Tijam na naging bahagi ng seventh division ng CA ang nagbasura sa plea ni Reynald Lim, na kapatid ng umano’y pork barrel fund scam mastermind na si Janet Lim-Napoles.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping