Inatasan ng Korte Suprema ang tanggapan ni Court Administrator Jose Midas Marquez na magsagawa ng karagdagang imbestigasyon kaugnay sa isa sa mga hukom na pinangalanan ni Pangulong Duterte na umano’y sangkot sa iligal na droga.
Sa limang pahinang notice of resolution na may petsang February 21, 2017 na pirmado ni Supreme Court en Banc Clerk of Court Felipa Anama, partikular na inaksyunan ng kataas-taasang hukuman ang resulta ng fact finding investigation na ginawa ni retired supreme Court Justice Roberto Abad kay Judge Antonio Reyes ng Baguio Regional Trial Court branch 61.
Inirekumenda ni Abad na maipagharap ng reklamong administratibo si Reyes dahil sa paratang na katiwalian.
Sa ulat ni Abad, batay na rin ang kanyang rekumendasyon sa salaysay ng isang Melchora Nagen na nagdedetalye kung paanong tumatanggap umano ng bayad si Reyes sa pamamagitan ng isang Norma Domingo para maabswelto ang isang akusado sa iligal na droga.
By: Avee Devierte / Bert Mozo