Inilatag na ng korte suprema ang mga issue na tatalakayin sa isasagawang oral argument kaugnay ng petisyon ni Senador Leila De Lima na kumukwestyon sa pagpapa-aresto sa kanya ng Muntinlupa Regional Trial Court sa kasong droga.
Sa talong pahinang advisory na nilagdaan ni Supreme Court En Banc Clerk of Court, Atty. felipa Anama, kabilang sa tatalakayin para sa procedural issue ang tanong na nararapat bang hindi sundin ang “hierarchy of courts” gayong ang petisyon ay dapat inihain muna sa court of appeals;
Maituturing ba na premature ang petisyon ni de lima dahil nakabinbin sa RTC ang kanyang inihaing motion to quash;
At kung nakagawa ng paglabag sa rule against forum shopping ang Senadora dahil inihain niya ang petition kahit hindi pa nadedesisyunan ng mababang hukuman ang kanyang mosyon gayundin ang merit sa inihain niyang petisyon sa CA na kumukwestyon sa preliminary investigation ng Department of Justice sa kanyang kaso.
Para naman sa substantive issue, tututok ang pagdinig sa ilang tanong tulad ng kung may hurisdiksyon ang RTC o Sandiganbayan sa mga drug case o mga paglabag sa ilalim ng Republic Act 9165.
Samantala, 10 minuto naman ang ibinibigay ng SC sa mga petitioner at respondent na kakatawanin ng office of the solicitor-general para maglahad ng kani-kanilang opening statement.
By Drew Nacino |With Report from Bert Mozo