Nakikipag-ugnayan na ang Presidential Task Force on Media Security sa pamilya nang pinaslang na media man na si Jun Briones sa Masbate.
Ipinabatid sa DWIZ ni Undersecretary Joel Egco, Executive Director ng Task Force na posibleng may kinalaman sa pulitika sa lugar at hindi sa kanyang trabaho bilang media man ang motibo sa pagpaslang kay Briones.
Ayon pa kay Egco, gumugulong na ang imbestigasyon sa nasabing usapin.
“According to them baka mas may kinalaman pa ito sa lokal na pulitika sa Masbate doon sa area niya kasi very active pala si Jun doon, bubuuin ang isang special task group ng PNP upang imbestigahan ang kaso ni Pareng Jun.” Pahayag ni Egco
Sensitive case
Samantala, maselan ang kaso ng pagpatay sa mamamahayag na si Joaquin Briones sa Milagros, Masbate.
Ayon kay Chief Inspector Anselmo Prima, acting Police Chief ng Milagros PNP, isang kilala tao sa kanilang bayan si Briones kayat marami ang puwedeng anggulo sa kanyang pagkamatay.
Bukod anya sa kilalang commentator sa radyo si Briones, kolumnista rin ito ng tabloid na Remate at kilalang breeder ng mga panabong na manok sa kanilang bayan.
Dead on the spot si Briones matapos pagbabarilin ng dalawang lalakeng nakasakay sa motorsiklo nitong Lunes.
“Yung sa pagiging media niya, meron po siyang mga kasong kinakaharap, ganun din po sa pagiging mananabong niya o nagbe-breed ng manok kaya po medyo maselan ang situation kasi mahirap itumbok ang motibo nito, may mga lumalabas na na mga pangalan ng tao na puwedeng involved dito.” Pahayag ni Prima
By Judith Larino | Karambola (Interview) | Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)