Idinepensa ng PAO o Public Attorneys Office ang pagdulog nila sa Korte Suprema upang payagan ang plea bargaining agreement sa walumpung libong (80,000) preso na nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa illegal drugs.
Ayon kay Acosta, hindi pa sentensyado ang mga preso na kabilang sa kanilang petisyon subalit ang ilan ay nakulong na ng dalawampu (20) hanggang tatlumpung (30) taon dahil sa bagal ng proseso sa korte.
Malaking tulong anya ito sa pamahalaan dahil bukod sa luluwag ang mga municipal, provincial at city jails sa bansa, tinatayang 1.4 billion rin ang matitipid kada taon sa pagkain pa lamang ng mga preso.
Iginiit ni Acosta na dapat ideklarang unconstitutional na Korte Suprema ang Section 23 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na nagbabawal ng plea bargaining para sa drug cases gayung pinapayagan ito sa mga kasong plunder, murder at iba pa.
“Sa kasong murder at kidnapping puwedeng mag-plea bargaining pero bakit dito yung mga small time na mga nahuli .1, .2 grams eh nabubulok sila, andun sa QC jail, highly-congested, ang punto diyan sa Section 23, violation yan ng rule making power ng Supreme Court, violation of equal protection of the law.” Pahayag ni Acosta
By Len Aguirre | Karambola (Interview)