Umusad na ang pagdinig ng House Committee on Good Government sa pagpapasara at pagsuspindi ng DENR o Department of Environment and Natural Resources sa humihigit kumulang pitumpu’t limang (75) mining companies sa bansa.
Hindi nakarating sa pagdinig si DENR Secretary Gina Lopez kayat nagisa sa pagdinig ang kanyang consultant na si dating DENR Mines and Geosciences Bureau Chief Leo Jasareno.
Sa pagsisimula ng pagdinig, kinuwestyon ni Congressman Robert Barbers ang hindi pagdalo sa hearing ni Director Nonito Tamayo ng DENR Caraga Region.
Nais makuwestyon ni Barbers si Tamayo hinggil sa di umano’y pakikipagmabutihan nito sa may-ari ng isang minahan na hindi kasama sa listahan ng naipasara o kaya ay nasuspindi.
Matatandaan na labing lima (15) sa may dalawampung (20) minahan na nasuspindi ng DENR ay mula sa Caraga region.
Bahagi ng pahayag ni Congressman Robert Barbers
Kasabay nito, kinuwestyon din ni Barbers ang integridad ng pagpapasara at pagsuspindi ng DENR o Department of Environment and Natural Resources sa mga tukoy na mining companies sa bansa.
Sa hearing ng House Committee on Good Government, sinabi ni Barbers na tila nakasalalay lamang sa payo ni dating DENR Mines and Geosciences Bureau Chief Leo Jasareno ang pagpapasara ni DENR Secretary Gina Lopez sa mga mining companies.
Ayon kay Barbers, hindi kuwestyonable kung kay Jasareno nagmula ang payo ng pagpapasara sa mining companies dahil naaprubahan ang permit ng mga ito nuong panahon niya bilang hepe ng DENR-MGB.
Matatandaan na pinagbitiw ng Pangulong Rodrigo Duterte si Jasareno sa DENR noong Oktubre ng nakaraang taon subalit kinuha naman itong consultant ng DENR ni Lopez matapos itong mag-resign.
Sa pagsisimula ng hearing, inamin ni Jasareno na natapos na ang kontrata niya bilang consultant ng DENR noong Disyembre at ang pagtulong niya ngayon kay Lopez ay lumalabas na sa kanyang pribadong kapasidad na lamang.
Bahagi ng pahayag ni Congressman Robert Barbers
Marami din umanong dapat ipaliwanag si Lopez sa ginawa niyang pagpapasara at pagsuspindi sa humigit kumulang pitumpu’t limang (75) mining companies.
Kinuwestyon ni Barbers kung bakit itinago sa publiko at maging sa iba’t ibang tanggapan ng DENR ang audit report sa mga mining companies kung saan ibinase ang pagpapasara at suspension.
Sa ginanap na pagdinig, sinabing ilang DENR regional directors na dumalo sa pagdinig na natanggap nila ang special order hinggil sa paglikha ng audit sa mga minahan sa bansa at direktiba hinggil sa moratorium sa pagmimina habang isinasagawa ang audit.
Gayunman, wala na umano silang natanggap na kopya ng resulta ng audit.
By Len Aguirre | with report from Jill Resontoc (Patrol 7)
Photo Credit: Alyansa Tigil Mina