Binigyan ng ultimatum ng NHA o National Housing Authority ang mga miyembro ng Kadamay na umokupa ng mga pabahay sa Pandi Bulacan.
Ayon kay Elsie Trinidad, Manager ng NHA Resettlement and Development Division, ihahain nila sa grupo ang eviction notice sa Lunes, Marso 20 at mayroong isang linggo ang mga ito para lisanin ang lugar.
Tiniyak ni Trinidad na bibigyan naman nila ng sapat na panahon ang Kadamay upang makaalis sa mga inokupang bahay upang maiwasan ang kaguluhan.
Matatandaan na ilang miyembro ng Kadamay ang nag-okupa na ng pabahay ng NHA sa Pandi Bulacan matapos mainip sa tagal ng pag-award sa kanila ng gobyerno.
NPA
Samantala, itinanggi ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang ulat na binibigyang proteksyon ng kanilang arm wing na New People’s Army ang mga miyembro ng grupong Kadamay na ilegal na umukopa sa housing project ng gobyerno sa Pandi, Bulacan.
Sa statement na ipinalabas ng CPP, iginiit ng grupo na wala silang mga tauhan saan man malapit sa housing units sa Pandi.
Sa kabila nito, nagpahayag naman ng suporta ang CPP sa ginawang hakbang ng mga militante.
Matatandaang isang tawag ang natanggap ng isang local police mula sa isang nagpakilalang miyembro ng NPA at nagbanta ng karahasan sa oras na galawin ng mga pulis ang mga miyembro ng Kadamay sa Pandi, Bulacan.
By Len Aguirre | Ralph Obina