Nanindigan si Makati City Mayor Junjun Binay na hindi siya bababa sa pwesto sa kabila ng ikalawang suspension order ng Ombudsman dahil umano sa maanomalyang pagpapatayo ng Makati Science High School Building.
Binanatan ni Binay ang pagiging selective justice ng gobyernong Aquino.
Kumbinsido din ang alkalde na bahagi ito ng demolition job para mapigilan ang kandidatura ng kanyang amang si Vice President Jejomar Binay sa 2016 presidential elections.
2nd suspension order
Sa ikalawang pagkakataon, sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Makati City Mayor Junjun Binay.
Mismong si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang nagkumpirma kahapon sa suspension order sa Cebu kung saan kasama nito si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ayon kay Roxas, natanggap ng kanyang tanggapan kahapon ng umaga ang suspension order ng Ombudsman laban kay Mayor Binay.
Pina-authenticate aniya muna ang natanggap na kautusan mula sa Ombudsman at napatunayang totoo ito.
Sinabi ni Roxas na kabahagi ang DILG sa paghahanda para isilbi ang utos ng Ombudsman kaya’t ipapaubaya sa DILG-NCR o sa regional office ang pagsisilbi nito.
Ang Ombudsman aniya mismo ay nagpadala ng sariling team sa Makati City para isilbi ang suspension order kay Mayor Junjun Binay.
By Meann Tanbio