Hindi na kailangan pang pumila ang mga OFW o Overseas Filipino Workers na umuuwi sa Pilipinas para i-refund ang binayaran nilang terminal fees sa mga binili nilang airline tickets.
Ito’y makaraang lagdaan kahapon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ng mga airline companies ang isang memorandum of agreement na libre na sa terminal fees ang mga OFW.
Dahil dito, awtomatiko nang tatanggalin ng mga airline companies ang limandaan at limampung pisong (P550) terminal fee kapag bumili ng ticket ang mga OFW sa mga ticketing centers.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, kailangan lamang magpakita ng katibayan ang mga OFW upang malibre sa pagbabayad ng terminal fees.
Gayunman, nilinaw ng kalihim na person to person purchasing pa lamang epektibo ang libreng terminal fees habang sa Hulyo pa ito maipatutupad sa online ticketing.
By Jaymark Dagala | Report from Raoul Esperas (Patrol 45)