Walang karapatan ang European Union (EU) na kuwestyunin ang mga umiiral na batas sa Pilipinas.
Ito ang reaksyon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa inilabas na resolusyon ng European Parliament na humihiling na palayain si Senadora Leila de Lima.
Ayon kay Aguirre, malinaw na nilalabag ng EU ang soberenya ng Pilipinas dahil sa pakikialam nito sa mga usaping panloob ng bansa.
Batay naman sa ipinalabas na sulat ni De Lima mula sa piitan nito, sinabi ng senadora na mananatili siyang ligtas hangga’t naririnig siya ng publiko at patuloy na nagbabantay ang international community sa kanyang kalagayan.
Una rito ay nakahanap ng kakampi si Senadora Leila de Lima hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa international community.
Ito’y makaraang maglabas ng resolusyon ang parliamento ng European Union na humihiling sa pamahalaan ng Pilipinas na palayain si De Lima.
Hiniling din ng EU na bigyan ng patas na paglilitis at bigyan sapat na seguridad si De Lima habang nakakulong ito.
Pinababasura rin ng EU ang mga kasong isinampa laban kay De Lima na anila’y may halong pulitika at dapat ding itigil ng gobyerno ang mga ginagawang panggigipit sa senadora.
Binira naman ng Malacañang ang European Union at sinabing huwag makialam sa mga usaping panloob ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi lubusang nauunawaan ng European Parliament ang tunay na dahilan kaya’t nakakulong ang senadora.
By Jaymark Dagala