Kumbinsido ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na mahina na ang puwersa ng Maute Group sa Mindanao.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, Spokesman ng AFP, tuloy-tuloy ang ginagawa nilang opensiba laban sa mga teroristang grupo sa Mindanao.
Sa kaso ng Maute Group, tukoy na anya nila ang mga kuta ng grupo kayat hindi ito tinatantanan ng militar.
“Hindi na siya ganun kalakasan simula’t sapol na magsimula sila dahil sa dami ng tao, ang ginagawa nila ngayon ay talagang terrorist activities, maaaring isa o dalawang tao lang ito, ang mga natitira nilang tauhan ang concentrate nila ay maghasik ng kaguluhan kaya yan ang sinisikap natin na hindi mapabayaan.” Ani Padilla
Maute in Metro
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang AFP sa PNP o Philippine National Police hinggil sa nabunyag na presensya ng Maute Group sa Metro Manila.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, nais nilang malaman ang kabuuan ng impormasyong hawak ng PNP hinggil sa Maute Group na nag-ooperate sa Metro Manila.
Binigyang diin ni Padilla ang kahandaan ng militar kahit saang lugar pa sa bansa maghasik ng terorismo ang Maute Group at iba pang grupo.
“Lagi namang may banta talaga maliit man o malaki laging may banta yan, yang banta na yan na aming mga binabantayan ay ang tanong lang po namin ay kailan ito magiging aktibo kaya kailangang lagi tayong handa, lagi naman po kaming handa upang tumugon sa ating contingency, ganun din po ang aming mga aksyon na ginagawa sa kasalukuyan, laman naman po ng balita ang mga ginagawa naming aktibidades sa Mindanao.” Pahayag ni Padilla
Miscommunication—PNP
Samantala, posibleng nagkaroon ng miscommunication.
Ito ang reaksyon ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na kaugnay ng pagkumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nasa Metro Manila ang terror cell ng Maute Group na pinabulaanan naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni Eleazar na nakikipag-ugnayan naman ang PNP sa kanilang counterparts sa AFP kabilang na ang operasyon laban sa Maute Group.
Sa kabila ng pangyayari, sinabi ng QCPD Director biniberepikang muli ng PNP ang nauna nilang pahayag hinggil sa prisensya ng Maute sa kalakhang Maynila.
Matatandaang nito lamang Lunes ng gabi nang maaresto ang miyembro ng Maute Group na si Nasip Ibrahim sa Barangay Culiat sa Quezon City.
Si Ibrahim ay pang-limang suspek sa tangkang pagpapasabog sa US Embassy , Nobyembre ng nakaraang taon.
By Len Aguirre | Ralph Obina | Ratsada Balita (Interview)