Nakalaya na ang dalawang (2) Malaysian sailors na halos isang taon ding binihag ng grupong Abu Sayyaf.
Kinilala ang mga ito na sina Fandy Bin Bakran, 26-anyos at ang 62-anyos na si Abdul Rahim Bin Summas.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Col. Edgard Arevalo, alas-2:00 kaninang madaling araw nang ma-rekober ng militar ang dalawang dayuhang bihag sa kanilang operasyon sa kanayunan ng Carudong sa Sulu kung saan ay pagod na pagod at takot na takot ang mga ito nang matagpuan.
Nilinaw naman ni Arevalo na walang ibinigay na ransom sa paglaya ng mga dayuhang bihag bagkus ay kusang iniwan ng mga bandido ang mga ito nang dumating ang tropa ng militar.
Matatandaang kabilang ang mga ito sa limang (5) malaysian nationals na dinukot ng Abu Sayyaf matapos hi-jackin ang kanilang tug boat sa Lahad Datu, Malaysia noong Hulyo ng nakaraang taon.
By Ralph Obina | Report from Jonathan Andal (Patrol 31)