Magsasagawa ng malawakang konsultasyon hinggil sa panukalang pagpapaliban sa barangay elections ang Senate Committee on Local Government.
Ayon kay Committee Chairman Sonny Angara, kasama sa kanilang unang susuriin ay ang legalidad ng planong pagtatalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte ng mga bagong opisyal sa halip na ihalal ang mga ito.
Maliban sa election law, maaari aniyang, kailanganin din ang pag-amyenda sa Local Government Code.
Sa ngayon, nakararami ng mga Senador ang nagsabing nais nilang idaan sa eleksyon ang pagpapalit ng opisyal ng mga barangay dahil ito ay bahagi ng demokratikong proseso.
Samantala, biniberipika na ng Philippine National Police (PNP) Directorate for Intelligence at PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency Intelligence, ang listahan ng sinasabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na apatnapung (40) porsyento ng kapitan ng mga barangay na sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay PNP Chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa, bubuo sila ng kaso para makapagsampa ng reklamo laban sa mga ito, kung mapatutunayang sila ay sangkot pa rin sa iligal na droga.
Sakali aniya na hindi na gumagamit ng iligal na droga ang mga ito at nais nang magbagong buhay, ay kanila naman buburahin ang derogatory record hinggil sa drugs, para mabigyan sila ng pagkakataong magbago.
Noong nakaraang linggo ay sinabi ng Pangulong Duterte na gusto niyang magtalaga nalang ng mga opisyal ng barangay upang hindi magamit ang narco-money para sa kanilang kampanya.
By Katrina Valle | Report from Cely Bueno (Patrol 19) | Jonathan Andal (Patrol 31)