Kumpiyansa pa rin ang Malakaniyang na nananatiling matatag ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng mga bansang kasapi ng European Union.
Ito’y sa kabila ng mga birada ni Pangulong Rodrigo Duterte sa EU dahil sa pakiki-alam nito sa iba’t ibang usaping panloob ng bansa tulad ng war on drugs at pagbabalik sa parusang bitay.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi dapat ginagawang literal ang mga binibitawang pahayag ng Pangulo dahil malinaw naman ang mensaheng nais niyang iparating.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag makaraang ipatawag ang kinatawan ng Pilipinas sa EU Parliament para magpaliwanag hinggil sa mga birada sa kanila ng Pangulo na anila’y hindi katanggap-tanggap.
By: Jaymark Dagala