Itutuloy ni Senior Supt. Elmer Jamias ang pagsasampa ng kaso laban kay Vice President Jejomar Binay at mga tauhan nito.
Kabilang dito ang kasong oral defamation at assault on a person in authority.
Ayon kay Jamias, Deputy Director for Administration ng Southern Police District, maraming video footage ang nagpapakita kung paano niya nilait-lait at sinira ng Bise Presidente ang kaniyang pangalan bilang alagad ng batas.
Nilinaw ni Jamias na wala siyang personal na galit kay Binay na aniya’y nirerespeto niya bilang opisyal ng gobyerno subalit kailangan niyang ipaglaban ang kaniyang tungkulin.
Emisaryo ni VP Binay
Samantala, nagpadala na umano ng emisaryo si Vice President Jejomar Binay kay SPD Deputy Chief for Administration Senior Supt. Elmer Jamias.
Ibinunyag ito mismo ni Jamias na nagsabi ring kilala niya ang tumawag na emisaryo ni Binay at ito aniya ay kilalang-kilalang taga-suporta ng Bise Presidente.
Sinabi ni Jamias na dalawang beses nang tumawag sa kaniya ang nasabing emisaryo ni Binay, una ay matapos ang insidente ng girian nila ng Bise Presidente at mga tauhan nito noong Lunes at kaninang umaga.
Ayon kay Jamias, ipinabatid sa kaniya ng emisaryo na nais ni Binay na humingi ng paumanhin ng personal.
By Judith Larino