Naging tropical depression na at pinangalanang Egay ang Low Pressure Area (LPA) na una nang namataan sa silangan ng Luzon.
Ang sentro ng bagyong Egay ay pinakahuling namataan sa layong 520 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.
Taglay ng bagyong Egay ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna.
Ang bagyong Egay ay tinatayang kikilos pa-hilaga hilagang kanluran sa bilis na limang kilometro kada oras.
Bukas ng umaga, ang bagyong Egay ay inaasahang nasa 485 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko at Risk Reduction and Management Council na tumutok sa susunod na bulletin hinggil sa bagyong Egay at gumawa na ng mga kinakailangang hakbang.
By Judith Larino
Source: PAGASA
PCG
Samantala, nakaalerto na ang Philippine Coast Guard sa Catanduanes, matapos pumasok sa bansa ang bagyong Egay.
Ayon kay Commander Armand Balilio, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard, kanila nang inabisuhan ang mga kawani ng Coast Guard sa Bicol, na bantayan ang mga malilit na bangka na maaaring pumalaot.
Binigyang diin ni Balilio na mahalagang mabigyan ng babala ang mga papalaot, laban sa malalaking alon.
By Katrina Valle | Aya Yupangco