Iginiit ng grupo ng mga peryodista ang paghingi ng paumanhin ni Environment Secretary Gina Lopez sa isang mamamahayag na pinagalitan niya makaraan siyang tanungin tungkol sa isyu ng pagmimina.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines, hindi mabibigyang katwiran ng mga prinsipyong pangkapaligiran ni Lopez ang magaspang niyang pagtrato sa reporter ng pahayagang Businessworld na si Janina Lim.
Nairecord umano kung paanong minaliit ni Lopez ang pagiging empleyado ni Lim Nang, sa isang ambush interview noong Huwebes, tanungin siya ng reporter hinggil sa pag-uutos ng kalihim sa mga sinuspindi niyang kumpanya ng minahan na bigyan ng trust fund ang mga magsasaka na malapit sa rehabilitation zones ng isang mining site.
Inamin ni Lopez na nairita siya kay Lim dahil sa kawalan, aniya, ng habag ni Lim sa isyu ng mga mahihirap bukod pa sa nagmamadali siya nang lapitan siya ng reporter.
By Avee Devierte