Sinimulan na ng Bureau of Immigration (BI) ang deportation proceedings laban sa mag-asawang dayuhan na inaresto dahil sa pakikipagsabwatan umano sa grupong ISIS.
Ayon kay Atty. Antonette Mangrobang, Spokesperson ng BI, posibleng ang babaeng Syrian na si Rahaf Zina ang unang paalisin lalo’t wala itong anumang dokumento na magpapatunay na ligal ang kanyang pananatili sa Pilipinas.
Gayunman, may hawak namang working visa ang Kuwaiti na si Husayn Dhafiri na tatlong taong epektibo.
Marso nang maaresto ang mag-asawa dahil sa paglabag sa Immigration laws.
Suicide attack?
Samantala, plano umanong maglunsad ng pag-atake sa mga US military base ang mga hinihinalang miyembro ng ISIS na naaresto sa Pilipinas at Kuwait.
Ayon sa Kuwaiti Authorities, binabalak din ng mga suspek na magsagawa ng suicide attack sa isang hussainiya o shi’ite muslim meeting hall.
Magugunitang naaresto ng mga pulis sa Pilipinas noong March 25 ang mag-asawang Kuwaiti at Syrian na kasabwat umano ng ISIS.
Naaresto naman ng Kuwaiti Security Forces ang isang Syrian chemistry teacher na hinihinalang kasabwat din umano ng teroristang grupo.
By Drew Nacino