Pinugutan ng Abu Sayyaf ang sundalong kanilang binihag sa Patikul, Sulu.
Mag-a-alas-3:00 ng hapon nang marekober ang katawan ni Staff Sergeant Anni Siraji sa Barangay Taglibi.
Sa text message sa DWIZ ni Brig. General Cirilito Sobejana Jr., Commander ng Joint Task Force Sulu, ipinaalam nitong sa hindi kalayuan ay natagpuan naman ang ulo ng biktima.
Ayon kay Sobejana, posibleng ilang araw ng patay si Siraji dahil naaagnas na ang bangkay nito nang madiskubre, kahapon.
Si Siraji na dinukot ng mga bandido sa Barangay Igasan noong Huwebes, ay isang Tausug Muslim na taga-Sulu at dating combatant member ng Moro National Liberation Front (MNLF) na integree ng militar.
Samantala, kinondena ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman ang pamumugot ng Abu Sayyaf sa isa mga binihag nilang sundalo sa Sulu.
Ayon kay Hataman, ang pagpatay kay Staff Sergeant Anni Siraji ay hindi makatao at nananatiling balakid upang makamit ang kapayapaan.
Hindi aniya pinapahalagahan ng mga ASG member na pawang duwag at walang dangal ang ipinaglaban ng mga mujahideen o holy warrior.
Iginiit din ni Hataman na walang karapatan ang mga terorista sa itinuturo ng Islam maging ang katapangan at tinitingalang kasaysayan ng mga Muslim.
By Drew Nacino | with report from Jonathan Andal (Patrol 31)
Sundalong dinukot ng Abu Sayyaf pinugutan na was last modified: April 24th, 2017 by DWIZ 882