Iniimbestigahan na ng PNP o Philippine National Police ang isang mataas na opisyal ng PNP.
Kasunod ito ng report na ang nasabing PNP official ang umano’y kasabwat ni Police Supt. Maria Cristina Nobleza na nakikipagsabwatan at nagsisilbing protektor ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Sinasabing kakausapin ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa si Nobleza para umano paaminin kung sino ang nasabing PNP official na kasabwat nito.
Samantala, naninindigan umano si Police Supt. Maria Cristina Nobleza na trabaho lamang ang kanyang ginagawa matapos mahuli sa isang checkpoint sa Bohol kasama ang kasintahan nitong bandido na si Reenour Lou Dungon.
Ayon ito kay PNP Region 7 Director Chief Supt. Noli Taliño bagamat wala naman aniyang maipakitang COPLAN o operational plan si Nobleza sa mga awtoridad.
Sinabi pa ni Taliño na una na ring ipinabatid ni Nobleza na bakasyon ang pakay niya sa Bohol subalit kalaunan ay inaming tinangka talaga nilang i-rescue ang isang Saad na miyembro ng Abu Sayyaf na sugatan sa engkuwentro sa bayan ng Clarin.
Kasabay nito, ipinabatid ni Taliño na iniimbestigahan nila ang dating asawa ni Nobleza na si Senior Supt. Allan Nobleza na kasalukuyang police attaché sa Pakistan.
Sinasabing 2010 pa napawalang bisa ang kasal ni Nobleza na nagpakasal na rin umano sa isang Muslim rite kay Dungon kaya nagbalik Islam ang police coronel.
By Judith Larino | with report from Jonathan Andal (Patrol 31)
Isa pang PNP official na ‘protektor’ ng ASG iniimbestigahan na was last modified: April 26th, 2017 by DWIZ 882