Pinag-iingat ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang publiko sa pag-arkila ng van na karamihan umano ay kolorum o walang prangkisa.
Ayon sa LTFRB, kapag nasangkot sa aksidente ang mga kolorum na van ay hindi mababayaran ng insurance dahil hindi rehistrado ang mga ito.
Kasunod na rin ito sa pag impound ng ilang van sa Baguio City matapos mahuli habang pumapasada sakay ang mga gurong dadalo sa isang seminar ng Department of Education o DepEd.
Pinayuhan naman ng LTFRB ang mga may-ari ng van na kumuha ng prangkisa para maging legal ang kanilang pamamasada.
Kasabay nito, ipinabatid ng LTFRB na sunod nilang target ang social media kung saan naglalagay ng advertisement ang mga kolorum na van para manghikayat ng mga pasahero.
By Judith Larino