Nadiskubre ng Commission on Human Rights (CHR) ang isang sikretong selda sa loob ng Station 1 ng Manila Police District (MPD) sa Tondo.
Ito’y kasunod ng ulat na mayroong ilang bilanggo ang mahigit isang linggo nang nakapiit kahit wala pang kaso.
Sa sorpresang inspeksyon, tumambad sa CHR ang seldang tinakpan ng isang cabinet na nagsisilbi namang pintuan.
Ayon sa CHR, ilan sa mga preso ang nagsabing hinihingan sila ng mga pulis ng 40,000 hanggang 200,000 pesos kapalit ng kanilang kalayaan.
Gayunman, sa panayam ng DWIZ itinanggi ni Station 1 Commander, Superintendent Robert Domingo ang alegasyon at nilinaw na holding area lamang ang sinasabing secret cell para sa mga bagong naaresto.
“Hindi naman secret yun, gumawa lang po tayo para hindi maghalo-halo yung mga hindi pa na-iinquest at na-inquest na dahil nga congested ang ating kulungan, nag-extend lang po tayo kasi ang opisina na yun opisina din po ng Drug Enforcement para kapag may nahuli madaling ma-access ng mga tauhan nila.”Ani Domingo
Sinabi ni Domingo na noong panahon na nag-inspeksyon ang Commission on Human Rights (CHR) ay nagkaroon anila sila ng one time big time operation kung saan nahuli nila ang 12 katao at ginawa nilang holding area ang lugar habang pinoproseso ang mga dokumento ng mga naaresto.
Aniya wala pang 24 na oras na nakakulong ang mga inaresto na pawang sangkot sa iligal na droga.
Mariin ding pinabulaanan ni Domingo ang alegasyong pangingikil sa pamilya ng mga arestado para makalaya ang mga ito.
“Ganyan naman ang modus ng mga tulak na yan ang lagi nilang alegasyon ay hinihingan sila, kapag nakita na nila ang media, ang CHR, puro alegasyon na lang sila, kung hiningan po yun eh wala na sanang inabutan ang CHR doon, lahat yun pinakawalan na sana at hindi na dinala sa istasyon yun. Kaya naman naming patunayan na hindi totoo ang mga reklamo nila, welcome naman sa atin ang imbestigasyon, maganda nga upang maliwanagan ang mga reklamo nila.” Dagdag ni Domingo
Samantala, ngayong umaga ay ni-relieve na sa puwesto si Domingo para sa isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
Tiniyak ni MPD Director Chief Superintendent Joel Coronel na pananagutin ang sinumang mapapatunayang sangkot sa extortion activities.
“Ipinautos na natin na magsagawa ng imbestigasyon ang ating Internal Affairs Service kasama na ang CIDG para alamin kung may pagkukulang at pagkakamaling nagawa ang ating mga pulis sa Station 1, makikipag-coordinate din tayo sa CHR. In the meantime, hihintayin muna natin ang report ng investigation.” Ani Coronel
Papalit naman bilang bagong station commander ng MPD Station 1 si Police Superintendent Albert Barot.
Kasunod nito, sinibak na rin ng NCRPO o National Capital Region Police Office ang buong pwersa ng Drug Enforcement Unit ng Tondo Maynila kaugnay pa rin ng insidente.
Kabilang dito ang hepe at labin isang (11) miyembro ng Manila DEU.
Ang mga sinabak na pulis ay ililipat sa MPD headquarters sa may UN Avenue.
By Katrina Valle | Aiza Rendon | Ratsada Balita (Interview)
‘Hidden cell’ sa MPD Station 1 nadiskubre was last modified: April 28th, 2017 by DWIZ 882