Sugatan ang labing tatlo (13) katao sa pagsabog sa isang umano’y pasugalan sa Quezon Boulevard sa lungsod ng Maynila.
Naganap ang pagsabog bago mag-aalas-11:00 ng gabi sa isang compound malapit sa Quezon Blvd. kanto ng Soler St. sa Barangay 391.
Dalawa (2) sa mga sugatan ay sinasabing kritikal kayat kaagad isinugod sa ospital.
Sinabi sa DWIZ ni Dr. Jose Paulo Albanio ng Department of Surgery ng PGH o Philippine General Hospital, isinugod sa kanila si Ramon Carious, checker ng Manila Tailoring at nawasak ang puwetan sa naturang pagsabog.
Bukod pa ito kay Rolando Gubat, apat napu’t limang (45) taong gulang na inooperahan pa ang dalawang paa at nanganganib na maputulan ng isang paa.
Samantala, ginagamot naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang 9 na biktima na kinabibilangan ng tatlong (3) babae at anim (6) na lalaki.
Isa rito ay naputulan ng paa at inooperahan, ang isang babae ay may tama sa ulo at stable na ang kalagayan.
Naputol na ang paa ng isang lalaking taga-Bulacan na ginagamot sa Mary Chiles Hospital.
Iniimbestigahan na ang nasabing insidente at binubusisi na ng mga awtoridad ang CCTV footage.
Sinabi naman ni NCRPO o National Capital Region Police Office Chief Director Oscar Albayalde na isang pipe bomb na isang improvised device ang posibleng ginamit sa pagsabog.
Binigyang din ni Albayalde na hindi terror attack ang nangyaring pagsabog at wala itong kaugnayan sa ASEAN Summit 2017.
Samantala, sumugod din si PNP o Philippine National Police Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang blast site sa Quiapo, Maynila.
Binigyang diin ni Dela Rosa na isolated case lamang ang insidente na resulta ng gang war at walang kinalaman sa ASEAN Summit.
Tiniyak ni Dela Rosa na walang dapat ikabahala sa seguridad ng lahat.
By Judith Larino / with report from Jopel Pelenio (Patrol 17)
13 katao sugatan sa pagsabog sa Maynila was last modified: April 29th, 2017 by DWIZ 882