Hindi binanggit ng ASEAN o Association of Southeast Asian Nations sa kanilang inilabas na Joint Statement ang isyu ng militarisasyon at land reclamation ng China sa South China Sea, maging ang pagkatalo ng China sa arbitration case sa pinagaagawang teritoryo sa nasabing karagatan.
Batay sa inilabas na ASEAN Chairman’s Statement ngayong umaga, sinabi ng ASEAN na kinikilala nila ang mga pangamba ng ilang bansa sa nangyayaring mga aktibidad sa South China Sea na maaaring lumala at mauwi sa tensyon.
Pero tiniyak ng mga miyembro ng ASEAN na pananatilihin nila at itataguyod ang kapayapaan at seguridad sa nasabing rehiyon alinsunod sa UNLCOS o United Nations Convention On the Law of the Sea.
Bukod sa Pilipinas, kasama rin ang Brunei, Malaysia at Vietnam sa mga bansang miyembro ng ASEAN na may inaangking teritoryo sa South China Sea .
Una nang hinikayat ang Pilipinas na samantalahin ang pagiging chairman ng ASEAN at gamitin ang pagkapanalo ng bansa sa arbitration case kapag pinag usapan ang maritime code of conduct.
Pero ayon sa mga diplomatic source ng Reuters News Agency, may mga kinatawan umano mula sa Chinese embassy sa Maynila ang nakiusap sa Pilipinas na huwag banggitin sa ASEAN Summit ang pag-aarmas at pagrereclaim ng China sa South China Sea.
By: Jonathan Andal