Malawakang kilos protesta ang ilalarga ng iba’t ibang labor groups bilang pagdiriwang ng Labor Day ngayong araw na ito.
Kasado na ang rally sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at maging sa iba pang lugar sa bansa tulad ng Bacolod, Cebu, Cagayan de Oro, Iloilo, Tacloban at Davao.
Patuloy na isinisigaw ng mga manggagawa ang dagdag sahod, seguridad sa trabaho at pagpapatigil sa kontraktualisasyon.
Kasabay ng mga kilos protesta, maglulunsad naman ng nationwide job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, higit dalawang daang libong (200,000) mga trabaho mula iba’t ibang industriya tulad ng business process outsourcing, production, marketing at iba pa.
NCRPO
Samantala, nakahanda na ang mga tauhan ng NCRPO o National Capital Region Police Office para panatilihin ang seguridad at kaayusan sa isasagawang kilos protesta ngayong Mayo 1, Labor Day.
Ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, hindi bababa sa tatlong libong (3,000) pulis ang ipapakalat sa mga lugar na pagdarausan ng mga kilos protesta.
Dagdag pa rito ang apatnaraang (400) mga opisyal na magbabantay rin sa lugar.
Sinabi ni Albayalde na inirerespeto ng mga pulis ang karapatan ng mga militanteng grupo na magsagawa ng kilos protesta ngunit nakiusap na gawin itong mapayapa.
Inaasahan na mahigit sa tatlong libong (3,000) miyembro ng KMU o Kilusang Mayo Uno ang magsasagawa ng kilos protesta sa Maynila.
Habang limang libo (5,000) naman mula sa grupong KADAMAY ang mag-ra-rally sa Quezon City.
By Rianne Briones
Malawakang Labor Day protest kasado na ngayong araw was last modified: May 1st, 2017 by DWIZ 882