Itinanggi ni Senador Leila de Lima na napag-usapan ang destabilisasyon sa pulong nila ng mga kapwa minority Senator sa pagbisita ng mga ito sa kanyang selda sa Kampo Crame.
Ayon kay Senador Leila De Lima, pasensya na lang kung madismaya ang mga paranoid na alipores ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil walang anumang napag-usapan na destabilization plot sa pagbisita nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Liberal Party President Kiko Pangilinan, Senators Risa Hontiveros at Antonio Trillanes.
Una ng nagbabala si Solicitor-General Jose Calida sa mga dilawan na sangkot umano sa sinasabing planong pagpapatalsik sa Pangulo na naghahanap na sila ng mga ebidensya upang kasuhan ang mga ito.
Samantala, nagpapasalamat at natutuwa naman si De Lima dahil pinatunayan ng kanyang mga kasamahan sa menorya na tunay na kumikilos ang minority bloc sa Senado bilang oposisyon.
Ito’y makaraang pag-usapan sa pagbisita ng mga minority Senator kay De Lima ang kanilang legislative agenda kung aling panukalang batas ang susuportahan o tututulan.
Tinalakay din ang planong pagsusumite ng petisyon sa Korte upang payagan si De Lima na makalahok sa deliberasyon at botohan ng mga mahalagang panukalang batas.
By: Drew Nacino / Cely Bueno