Aminado si Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na iligal ang nadiskubreng sikretong kulungan sa Station 1 ng Manila Police District (MPD).
Sa kabila ng pagiging iligal, muling idinepensa ni Dela Rosa ang kanyang mga tauhan na anya’y dumiskarte lamang para magamit ng husto ang espasyo sa himpilan ng pulisya at maiwasan ang siksikan ng mga bilanggo sa iisang selda.
Gayunman, nilinaw ni Dela Rosa na hindi nya kinukunsinti ang kanyang mga tauhan at dapat anyang managot ang mga ito sakaling mapatunayang may nilabag na batas.
Iginiit ni Dela Rosa na hindi nangotong o nanakit ng mga bilanggo ang mga pulis sa Station 1 ng MPD batay na rin sa kwento sa kanya ng mga bilanggo sa sikretong kulungan.
Umamin anya sa kanya ang mga preso na nagawa nilang magsinungaling sa Commission on Human Rights (CHR) sa pag-aakalang palalayain sila ng mga tiga Human Rights.
By Len Aguirre |With Report from Jonathan Andal