Ipinaiimbentaryo ng ilang opposition congressmen sa Malacañang ang P15.5-bilyong pondo na inilaan ng gobyerno sa katatapos lamang na ASEAN o Association of Southeast Asian Nations Summit.
Ayon kay Albay Representative Edcel Lagman, dapat na i-account ang nabanggit na ASEAN fund kung saan bahagi rin dito ang budget para sa Office of the President.
Iginiit naman ni Caloocan City Representative Edgar Erice na nararapat lamang na magpaliwanag ang administrasyong Duterte kung bakit ang laki ng iginugol na pera sa ASEAN, kung ikukumpara sa nagastos ng Aquino administration sa APEC o Asia Pacific Economic Conference Leader’s Summit noong 2015 kung saan host ang Pilipinas.
Binigyang diin ni Erice na mas malaking grupo ang APEC kumpara sa ASEAN.
Ang APEC ay binubuo ng 21 bansa, habang ang ASEAN ay binubuo ng sampung (10) bansa kabilang na ang Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Thailand, Singapore, Vietnam, Laos, Cambodia, Myanmar at Brunei.
By Meann Tanbio
P15B na ginastos sa ASEAN Summit ipinaiimbentaryo was last modified: May 3rd, 2017 by DWIZ 882