Hindi palalampasin ng pamahalaan ang panibagong pag-atake ng mga rebeldeng komunista sa La Panday Food Corporation sa Davao City gayundin sa bayan ng Maddela sa lalawigan ng Quirino kamakailan.
Ito ang dahilan ayon kay Government Peace Panel Chief at Labor Secretary Silvestre Bello III kaya’t maghahain sila ng kaso sa Norwegian government laban sa NDF o National Democratic Front na siyang kumakatawan sa Partido Komunista ng Pilipinas – Bagong Hukbong Bayan o CPP-NPA.
Paliwanag ni Bello, nagsisilbi kasing third party facilitator ang bansang Norway sa umuusad na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng komunista kaya’t doon nila ihahain ang reklamo.
Bagamat sinabi ni Bello na ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbestigasyon sa naturang mga insidente, wala naman itong pahiwatig hinggil sa kung ipagpapatuloy pa o hindi ang usapang pangkapayapaan.
By Jaymark Dagala
*OPAPP Photo