Nag sorry si Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa sa CHR o Commission on Human Rights.
Kaugnay ito sa emosyonal nyang reaksyon matapos matuklasan ng CHR ang sikretong kulungan sa Maynila.
Ayon kay Dela Rosa, natural na emosyon lamang ang kanyang ipinakita bilang isang ama na nagtatanggol sa kanyang mga anak.
Gayunman, sinabi ni Dela Rosa na alam nyang ginagawa lamang ng CHR ang kanilang trabaho.
Sinabi ni Dela Rosa na hahanapan nya ng oras para makaharap ang mga tiga CHR upang pag-usapan ang isyu.
Una rito, emosyonal na hinamon ni Dela Rosa ang CHR na araw-araw inspeksyunin ang lahat ng lulungan sa bansa at hindi isang araw lamang na anya ay tila pakitang tao lamang na itinaon pa sa kasagsagan ng ASEAN Summit.
Natuklasang ‘secret jail’ sa MPD Station 1 sisiyasatin ng House Committee on Human Rights
Sisiyasatin ng House Committee on Human Rights ang natuklasang secret jail sa Station 1 ng Manila Police District o MPD.
Nakabatay ito sa resolusyong inihain ni Congressman Teddy Baguilat.
Sa kanyang resolusyon, sinabi ni Baguilat na dapat magpaliwanag ang mga opisyal ng PNP kung bakit mayroong secret jail sa kanilang himpilan.
Maliban sa mga opisyal ng PNP sa Station 1 nais rin ni Baguilat na ipatawag sa imbestigasyon si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa.
By Len Aguirre |With Report from Jonathan Andal / Jill Resontoc