Umaasa ang isang kongresista na mananaig ang argumento ng Pilipinas sa arbitration court laban sa “claim” ng China sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng DWIZ, nilinaw naman ni Muntinlupa City Representative Rodolfo “Pong” Biazon na hindi pa tinatalakay ang “main claim” sa arbitration hearings dahil paspapasyahan pa lamang kung saklaw nito ang nasabing territorial dispute.
Subalit, kumpiyansa si Biazon na positibo ang magiging resulta ng lakad ng “high-level delegation” ng bansa sa The Hague, Netherlands.
“Malakas ang ating claim, kasi ang claim natin is based from the United Nations Convention on the Law of the Sea of which both China and the Philippines are signatory.” Paliwanag ni Biazon.
Sinabi din ni Biazon na sa ITLOS o International Tribunal on the Law of the Sea ang bagsak ng West Philippine Sea claim kapag hindi ito umubra sa Hague Tribunal.
“Yung kasong nakasampa ay hindi yung ating claims, ang nakasampang kaso diyan ngayon ha yung pag-uusapan pa lamang ay to determine the jurisdiction nung Hague Tribunal, do they have the jurisdiction? kung sakaling they have the jurisdiction, then and only then will they argue on the illegality or legality of the 9-dash line claim ng China.” Pahayag ni Biazon.
Bilateral Talks
Naniniwala din si Representative Rodolfo Biazon na hindi mareresolba ng alok na bilateral talks ng China sa Pilipinas ang isyu sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Paliwanag ni Biazon, ito ay dahil sa hindi lang naman Pilipinas at China ang umaangkin sa naturang mga teritoryo.
Gayunman, nanindigan si Biazon na hindi dapat ibasura ng gobyerno ang alok na bilateral talks ng China.
“Dapat, pero no commitment, there can be no commitment there, exploratory talks Yes, pero commitment No, hindi puwedeng mangyari ‘yun because of the multilateral nature of the dispute.” Dagdag ni Biazon.
By Jelbert Perdez | Judith Larino | Ralph Obina | Kasangga Mo Ang Langit