Umabot na sa dalawampu’t tatlong (23) miyembro ng Abu Sayyaf ang sumuko sa militar sa Basilan at Sulu nitong nagdaang linggo.
Ayon kay AFP-Western Mindanao Command Spokesperson, Capt. Joan Petinglay, sumuko ang mga bandido matapos ang mga operasyon ng militar.
Noong Huwebes anya sumuko sina ASG Sub-Leaders Nur Hassan Lahaman alyas Hassan at mudz-Ar Angkun alyas Mapad Ladjaman kasama ang labintatlong (13) iba pang mga tagasunod nito sa Barangay Tumahubong, Sumisip, Basilan.
Isinuko rin ng mga ASG member ang kanilang matataas na kalibre ng armas at mga pampasabog.
Samantala, apat (4) pang bandido ang sumuko rin sa Sulu noong nakaraang linggo na mga tagasunod umano ni Abu Sayyaf Sub Leader Hairulla Asbang.
CHR-Visayas kinuwestyon ang pagkakapatay ng mga pulis sa Abu Sayyaf member sa Bohol
Kinuwestyon ng Commission on Human Rights-Central Visayas ang misteryoso umanong pagkakapatay ng mga pulis sa Abu Sayyaf member na si Saad Samad Kiram alyas Abu Saad sa Bohol.
Ayon kay CHR-7 Director Arvin Odron, nakapagtataka ang pahayag ng mga pulis kaya’t dapat imbestigahan ang naturang insidente.
Magugunitang naaresto si Kiram sa Barangay Tan-Awan, sa bayan ng Tubigon noong Huwebes subalit tatlong (3) oras matapos dalhin sa kustodiya ng pulisya ay tinangka umano ng bandido na tumakas kaya’t pinagbabaril ng mga otoridad.
Hindi anya dapat pinagbigyan ng mga pulis ang ASG member na makatakas kung totoong tinangka nito.
Samantala, nagsimula ng mangalap ng mga impormasyon ang CHR hinggil sa pagkamatay ni Kiram.
By Drew Nacino |With Report from Jonathan Andal