Sinimulan na ng mga Katolikong Layko at Civil Society Group ang kanilang martsa mula Mindanao patungong Maynila upang himukin ang mga senador na bumoto laban sa death penalty bill.
Huwebes nang lumarga ang “Lakbay Buhay Laban Sa Death Penalty” Caravan sa Cagayan de Oro City na layuning makarating ng senate building sa Pasay City, sa Mayo 24.
Labing-apat (14) na lungsod ang daraanan ng caravan at magiging highlight nito ang pagtitipon sa Rizal Park, Maynila sa Mayo 19 na inaasahang dadaluhan ng nasa tatlumpung libong (30,000) anti-death penalty advocates kabilang ang mga estudyante mula sa mga catholic school.
Ayon kay Fr. Edwin Gariguez, National Secretariat for Social Action ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), nais nilang iparating sa mga mambabatas na hindi lamang mga Katolikong Layko maging ang mga Civil Society Group ang tutol sa pagbabalik ng parusang kamatayan.
Nakadidismaya anya ang mabilis na pag-usad ng nabanggit na panukalang batas sa Kamara dahil lamang sa pamba-braso ng liderato ng mataas na kapulungan ng kongreso.
By Drew Nacino