Walang dapat ikatakot ang mga deboto ng Itim na Nazareno at nagsisimba sa Quiapo Church, sa Maynila.
Ito ang tiniyak ni Philippine National Police o PNP Chief, Director. General Ronald “Bato” Dela Rosa matapos bulabugin ng magkasunod na pagsabog ang bahagi ng Quiapo noong Sabado.
Ayon kay Dela Rosa, may sarili namang security measures na ipatutupad ang pamunuan ng simbahan ng Quiapo bukod sa seguridad na inilalatag ng Manila Police District o MPD.
Katunayan anya ay minsan ng pinuputol ang cellphone signal sa simbahan ng Quiapo at dahil sa insidente ay asahan na ang mas mahigpit na seguridad sa nasabing lugar.
Pabiro namang sinabi ni Bato na i-urong na lamang sa Huwebes ang simba sa Quiapo dahil alam na ng lahat na Biyernes ito dinaragsa ng mga deboto.
Dela Rosa pinayuhan ang mga courier service na mag-ingat vs sa mga kontrabando
Pinayuhan ni PNP Chief, Dir. Gen. Ronald Dela Rosa ang mga courier service o mga nagde-deliver ng package na mag-ingat laban sa mga kontrabando o iligal na bagay.
Ito’y matapos ang magkasunod na pagsabog sa Quiapo, Maynila kung saan ang bomba na ginamit ay ipinadala sa pamamagitan ng grab express ang delivery service ng riding application na grab.
Ayon kay Dela Rosa, makabubuti kung tatanunging maigi ng courier ang taong nagpapadala kung ano ang laman ng package para matiyak na walang droga o bomba sa loob nito.
Sa ngayon ay tinutunton anya nila ang nagpadala ng improvised explosive device gamit ang datos na nasa grab app.
“On-going ang follow-up natin dyan, to a certain, may pangalan eh, may pangalan ng babae yung cooler eh ng nagtawag, pangalan ng babae eh, ah Hya? Hannah? O kung ano”, pahayag ni General Bato.
Gen. Bato tiniyak na hindi binubulsa ang malaking intel fund ng PNP
Tiniyak ni PNP Chief, Dir. Bato Dela Rosa na nagagamit ng maayos ang intelligence fund ng pambansang pulisya.
Ito’y makaraang kwestyunin ni Senate President Koko Pimentel kung bakit hindi napigilan ng mga otoridad ang mga pagsabog sa Quiapo, Maynila gayong may malaking intel fund na inilaan para sa intelligence gathering.
Ayon kay General Bato, hindi nila binulsa ang intel fund dahil ginagamit ito sa pag-momonitor sa mga threat group sa bansa at hindi sa mga personal na away sa mga komunidad.
Dahil dito, hiningi na ng pnp ang tulong ng mga mamamayan para magbantay at mapigilang maulit ang mga ganitong klaseng banta.
By Drew Nacino |With Report from Jonathan Andal