Irerekomenda ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang pagtatayo ng istruktura sa Benham Rise.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos ang tatlong araw na paglalayag sa nasabing karagatan.
Ipinaliwanag ni Piñol na napatunayan nilang mayaman sa lamang-dagat ang Benham Rise kung kaya’t dapat itong protektahan laban sa mga dayuhan na illegal na mangingisda sa nasabing lugar.
Sinabi ni Piñol na nais nilang magtayo ng pasilidad sa Benham Park, ang pinakamababaw na bahagi ng Benham Rise, para magsilbing research center para sa mga marine scientist, pagdadaungan ng mga lokal na mangingisda, pagtatayo ng ice making plant para mapanatiling sariwa ang mga huling isda, magsisilbing station din ito ng coast guard at puwedeng maglagay ng weather radar station.
Naglagay na rin ng inisyal na 15 payao ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa rehiyon.
Ang Benham Rise ay may 13 Milyong ektaryang underwater plateau na may 5,000 ang lalim mula sa ibabaw ng karagatan at may 43 porsiyento ang nahuhuling isda at dinadala sa may Dinahican Port sa Infanta, Quezon.
By: Meann Tanbio