Pabor si Occidental Mindoro Representative Josephine Ramirez-Sato sa mungkahi ni Senador Panfilo Lacson na paimbestigahan ang mga miyembro ng Commission on Appointments (CA) kaugnay sa ‘lobby money’ noong kumpirmasyon ni dating Department of Environment and Natural Resources o DENR Secretary Gina Lopez.
Ito ang inihayag ni Sato sa panayam nina Jun del Rosario at Mariboy Ysibido sa programang ‘Balita Na, Serbisyo Pa’ ng DWIZ.
Aminado anya siya na siya’y nagulat sa pahayag na ito ng Pangulong Rodrigo Duterte dahil bilang isang miyembro ng CA, wala umano sakanyang nag-aalok at wala rin siyang natatanggap na ‘lobby money’.
“Nagulat po kami, nagulat po ako personal ng nasabi po ng mahal na Pangulo yan na ‘money talk’ or ‘lobby money talk’ dyan, kaya ako naman po ay, sabi ko nga ay I can categorically say and state before any tribunal, before any investigating body, now, wala po akong nangyaring ganyan sa akin, wala pong nag offer at wala pong tanggapan ng pera sa Commission on Appointments, lalong-lalo na dito sa confirmation ni Secretary Gina Lopez”, pahayag ni Sato.
At kung meron man, dapat umano itong imbestigahan para maparusahan ang mga kasangkot at malinis ang pangalan ng mga miyembro ng ahensya.
“Ako po ay nananawagan kay Senate President Koko Pimentel na magpa-imbestiga po para naman po mapangalagaan natin yung integridad ng Commission on Appointments which is a constitutional body at para na rin po malinis ang pangalan ng mga miyembro dahil kung meron man at ako naman ho ay naniniwala na meron, eh kung meron man na may nangyaring ganyan eh dapat maparusahan kung sino ang involved dyan”.
“Eh ang mahirap po ngayon ay lahat ay na bumoto ng ‘No’ ay parang pinagdududahan na nakatanggap or nagpabayad ng kanyang boto kaya paulit-ulit na sinasabi ko paimbestigahan para malaman ang katotohanan”, paliwanag ni Sato.
Inamin ni Sato na pareho sila ng adhikain ni dating DENR Secretary Lopez pagdating sa usaping kalikasan.
Ngunit bumoto anya siya ng ‘no’ kay Lopez dahil may mga ginawa rin umano ito na labag sa batas.
“I share the passion of Secretary Gina, I admire her determination, I admire her advocacy against illegal mining or irresponsible mining…sa Occidental Mindoro, simula ng naging gobernador ako ipinagbawal na namin at may ordenansa pa na ipinagbabawal ang large scale sa amin, talagang ang passion ko ay ganun din kay Secretary Gina”
“Ang naging rason ko lang kung bakit bumoto ako ng hindi siya dapat maging full pledge Secretary of Environment and Natural Resources eh paulit-ulit yung tinatanong ko sakanya kung yung may mga issuances na siya ng executive orders, may mga issuances sya ng department orders na hindi na aayon sa batas, walang legal basis at inamin naman nya dun sa huling hearing na yung kanyang mga impositions, yung mga financial liabilities ay walang basehan sa batas”
Ipinabatid naman ni Sato sa publiko na dapat itong maunawaan dahil para rin umano ito sa atin at sa kalikasan.
Samantala, pumabor rin si Sato sa secret voting system na isinagawa noong kumpiramasyon ni Lopez.
Ito ay para na rin umano magkaroon ng laya ang miyembro ng CA na bumoto at maiwasan ang anumang gantihan laban sa mga ito.
“Kasi po yang proseso ng secret balloting naku napakahaba po na napag diskusyunan yan, napakahaba po ng pagpapalitan ng opinyon at kuro-kuro dyan, ngunit ang alam ko dyan unanimous decision ng lahat ng miyembro ng Commission on Appointments para magkaroon ng laya ang bawat miyembro na bumoto para sa confirmation ng kung sinuman ang pinagbobotohan dahil marami ang nagsasabi na pag nalaman nung iba ay baka magkaroon ng pressure o magkaroon ng balikan or yung gantihan o seguridad ng boboto ay hindi na maisesecure”, pahayag ni Rep. Josephine Sato sa panayam ng DWIZ.
By Race Perez | Balita Na Serbisyo Pa (Interview)
Photo Credit: Occidental Mindoro Representative Josephine Ramirez-Sato Facebook Page