Napanatili ng bagyong Falcon ang lakas nito habang patuloy na kumikilos patungo sa Philippine Sea.
Ang sentro ng bagyong Falcon ay pinakahuling namataan sa layong 795 kilometro silangan hilagang silangan ng Itbayat, Batanes.
Taglay ng bagyong Falcon ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 130 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso na umaabot sa 160 kilometro kada oras.
Ang bagyong Falcon ay tinatayang kikilos pa hilagang kanluran sa bilis na 22 kilometro kada oras.
Lalabas ng PAR bukas
Inaasahang lalabas ng PAR o Philippine Area of Responsibility ang bagyong Falcon bukas.
Ito ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay kung hindi magbabago ang direksyong tinatahak ng bagyong Falcon na pa kanluran hilagang kanluran.
Sinabi ng PAGASA na sa pagitan ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga bukas posibleng lumabas na ng PAR ang bagyong Falcon.
Gayunman, ipinabatid ng PAGASA na patuloy pa ring paiigtingin ng bagyong Falcon ang hanging habagat.
Kapag nakalabas na ng PAR ang bagyong Falcon ay tutulak sa hilagang bahagi ng Taiwan patungong katimugang bahagi ng China kung saan ito magla-landfall.
By Judith Larino
Source: PAGASA