Inaasahang tataas ang kaso ng tuberculosis o TB na hindi tinatablan ng gamot sa apat (4) na bansa sa susunod na tatlong (3) dekada batay sa pag-aaral ng US Centers for Disease Control and Prevention o CDC.
Sa kasalukuyan ay halos apatnapung porsyento (40%) ng lahat ng drug-resistant TB cases ay nasa Pilipinas, Russia, India at South Africa, kung saan mahigit 230,000 ang bilang ng kaso na naitala noong 2015.
Sa taong 2040, 32.5% ng TB cases sa Russia, 12.4% sa India, 8.9% sa Pilipinas at 5.7% sa South Africa ay magiging multidrug-resistant o hindi tatablan higit sa isang first-line drugs.
Napag-alaman din sa pag-aaral na mas magiging pangunahing sanhi ng pagtaas ng kaso ng TB epidemic ang pagdami ng insidente ng person-to-person transmission kaysa kakulangan ng treatment.
Inirekomenda naman ng CDC na dapat doblehin ang pagbibigay lunas kasabay ng ilang paraan laban sa pagkalat ng sakit gaya ng early detection upang mapababa ang posibilidad na dumami ang drug-resistant TB.
By Drew Nacino