Umuusad na sa senado ang panukalang batas na pinaniniwalaang sasawata sa talamak na smuggling sa bansa.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Senator Cynthia Villar na sa ilalim ng Senate Bill na ito ay hindi papayagang makapagpiyansa ang mga nakakasuhan dahil sa agricultural smuggling at economic sabotage.
Giit ni Villar, nagdurusa ang mga magsasaka dulot ng mga produktong pang-agrikultura na ipinupuslit mula sa ibayong dagat.
“Napakapangit po sa ating bansa yung agricultural smuggling kasi we are basically an agricultural country, one-third of our population are engaged in agriculture directly and indirectly another one-third, so ‘pag halimbawa pong in-allow natin, malaki po ang epekto nito sa ating mahihirap na magsasaka at mangingisda.” Pahayag ni Villar.
Non-bailable offense
Tiyak na sa kulungan na ang bagsak ng sinumang maaakusahan ng agricultural smuggling o pagpupuslit ng mga produktong agrikultural tulad ng bigas.
Ito’y dahil sa nais ng isang mambabatas na gawing non-bailable o walang piyansa ang sinumang makakasuhan ng nasabing opensa katumbas ng economic sabotage.
Ayon kay Senadora Cynthia Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food, bunsod ito ng pagkalat ng mga umano’y pekeng bigas na sinasabing buhat pa sa China.
Binigyang diin ni Villar, kaniya nang inihain ang nasabing panukala at nakatakda na itong talakayin sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon sa Hulyo 27.
By Jelbert Perdez | Kasangga Mo Ang Langit | Jaymark Dagala