Matapos ang pagkalat ng sinasabing pekeng bigas sa Davao City, nakatutok naman ang City Health Office sa posibleng pagkalat ng pekeng pansit o noodles.
Bumuo na ang Davao City Health Office ng task force upang tumutok sa hinihinalang pekeng noodles na sinasabing mabibili sa Calinan Public Market.
Ayon kay Robert Oconer, Environmental Sanitation Division Chief ng City Health Office, kahalintulad din ng naturang noodles ang synthetic rice na walang amoy at hindi napapanis.
Nag-ugat ito sa reklamo ng isa sa mga personnel ni barangay Saloy Chairman Gary Gensianos na bumili ng pansit bihon sa Calinan Public Market.
Bagaman iniluto ang bihon, hindi naman ito makain dahil dumudulas lang umano sa bunganga at hindi napanis kahit isang linggo na ang nakalipas.
Samantala, nagpadala na ng sample ng hinihinalang pekeng noodles sa Food and Drug Administration (FDA) ng Department of Health (DOH) upang masuri.
By Drew Nacino