Pinakilos na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang NBI o National Bureau of Investigation para palakasin ang cyber security measures sa gitna ng global ransomware attack nitong nakalipas na araw.
Ayon kay Aguirre, dapat matiyak na hindi mabibiktima ng cyberattack ang sistema ng bansa.
Maging ang Office of Cybercrime ng DOJ o Department of Justice ay pinakilos din ni Aguirre para malabanan ang ransomware attacks.
Kabilang sa mga apektado ng ransomware attack ang health system ng Britain, Interior Ministry ng Russia, Spanish Telecommunications Giant Telefonica at US Courier Firm FedEx.
“Ransomware”
Nagbabala ang cyber security experts na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga biktima ng cyber attack sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nitong weekend, sinabi ni Director Rob Wainwright ng European Police na umabot na sa dalawandaang libo (200,000) ang nabiktima ng cyber attack sa may isandaan at limampung (150) bansa.
Posible anyang tumaas ang bilang na ito lalo na ngayong weekdays na operational ang mga kumpanya at negosyo.
Ang pag-atake ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpapakalat ng virus na tinaguriang wannacry, isang ransomware na nagpapahinto sa mga computers sa mga pagawaan ng kotse, ospital,paaralan at mga negosyo.
By Judith Larino | Len Aguirre